Napanood ko si Susan Roces sa Inq7.net at wala akong masabi--antaray ng lola mo!
Hindi naman na kailangan pang pag-awayan kung dapat pakinggan yung 'tape' eh, inamin na ni GMA. Kausapin mo lang ang kaibigan nating si Google, hanapin ang pamosong 'Hello Garci' at marami kang mababasang 'text' nung kanilang usapan. Nakakahiya, kasi abot kahit saan ang balita--ilang beses ko siyang napanood sa CNN at BBC (at 'me podcast siya ha!), nabasa sa Yahoo News, at napag-usapan sa sandamakmak na mga blogsites. Para na ring pinatunayan yung ating 'rank' sa 'one of the most corrupt in Asia.'
Galit na galit ang Susan, bakit nga naman ngayon lang nagsalita ang kanyang 'besprend.' Sa palagay ko, isa yon sa taktika ng lola mong ekonimista ('less talk, less mistake') para 'di masyadong matakot ang mga dayuhang mangangalakal. Aminin man natin at hindi, pera ang nagpapaikot ng kahit ano (kahit kalderong nangingitim na sa uling, huh?) at minsan kailangang unahing intindihin ang pera (ang piso) kaysa sa mga kababayan mo.
Tingnan mo na lang ang reaksiyon ng piso, bagsak! At bakit parang hati yata ang opinyon ng karamihan? Napagod na siguro si Juan dela Cruz sa 'People Power' kasi laging me 'sequel.' Karamihan parang gusto na lang na tanggapin ang pagsusumamo ni GMA, iwas gulo raw, pagbigyan pa uli, tutal aalis na (o tatakas na?) ang kanyang asawa't anak (na dawit sa maraming eskandalo) para magawa niya ang dapat niyang gawin (huh, ibig mong sabihin talagang pasaway ang asawa't anak niya?).
Masaya ang 'Pinas ngayon, maraming pwedeng pag-usapan, pero tingnan mo't sandali lang yan, magbabago ang timpla ng balita. Magkakamag-anak yan--sinungaling, magnanakaw, manloloko, mang-aagaw at kung anu-ano pang kawalanghiyaan. Parang pelikula 'di ba--simulan mo, tatapusin ko. Sabunutan na lang!
Hay... gusto kong sumigaw (pisil ko ilong ko) -- kay Susan tayo! Heheheheheh...
No comments:
Post a Comment